STA. CRUZ, Laguna- Pinuntahan ng Social Security System (SSS) ang 13 establisyimento dahil sa paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.

Sa ginanap na Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign ngayong Nobyembre 18, nag-isyu ang SSS ng written orders sa delingkwenteng employers upang abisuhan silang i-report ang lahat ng kanilang empleyado at bayaran ang kanilang SSS contribution. Bibigyan sila ng 15 araw para makipag-ugnayan sa SSS Sta. Cruz at simulang tuparin ang napabayaan nilang obligasyon. Sila ay maaring masampahan ng kaso ng SSS kung sakaling hindi sila tumugon sa abiso.  

Samantala, kokolektahin naman ng SSS ang P4.47 milyong contribution delinquency sa employers para mabigyan ng social security protection ang 76 empleyado nito.  

Ibinahagi ng Acting Head ng SSS Luzon South 1 Division Edwin S. Igharas ang mga programang makakatulong sa employers.  

“Maaari pa silang makapag-avail ng Contribution Penalty and Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDeMRP) para sa business at household employers. Ang maganda sa programang ito, maaari pa nilang bayaran ang hindi nairemit na kontribusyon ng kanilang empleyado sa pamamagitan ng one-time payment o installment. Matapos itong bayaran, tatanggalin na ng SSS ang naipong multa,” paliwanag ni Igharas.  

Bukas ang SSS Sta. Cruz Branch para tumanggap ng aplikasyon para sa PRRP 3 at Contribution Penalty Condonation Program. Matatagpuan ang kanilang opisina sa ACL Building, Brgy. Pagsawitan. ###  





Leave a comment

Trending