Sinunog ng mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF ang bandila ng mga naturang rebeldeng grupo, kasabay ng idinaos na Former Rebels Summit sa Christian Camp of the Philippines sa bayan ng Pagsanjan ngayong Nobyembre 25, Biyernes.

Ang pagsunog ng mga bandila ay simbolo ng pagtalikod nila mula sa maling idelohiya ng mga rebeldeng grupo at muling pagbabalik-loob nila sa pamahalaan.

Lumagda rin sa isang peace covenant ang mga former rebels at kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa pagpapatuloy ng kani-kanilang adbokasiyang pang-kapayapaaan.

Sinaksihan ng mga kinatawan ng national at local government agencies gaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Laguna, Provincial Government of Laguna, Department of Agrarian Reform (DAR) Laguna, Laguna Provincial Environment and Natural Resources (PENRO), Department of Science and Technology (DOST) Laguna, Cooperative Development Authority (CDA) IV-A, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) IV-A, Laguna Police Provincial Office, at Philippine Information Agency (PIA) Laguna ang naturang programa, at nagpahayag ng kanilang suporta at proyekto para sa mga dating rebelde.

Siniguro din ni 202nd Infantry “Unifier” Brigade, Philippine Army Col. Erwin Alea sa mga dating rebelde na ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagbibigay ng mga serbisyong pangkabuhayan sa kanila upang maayos silang makabalik at mamuhay sa lipunan. Tiniyak din ng Philippine Army ang pagbibigay ng karagdagang seguridad sa mga dating rebelde na nakakatanggap ng banta sa buhay. | Ulat at mga larawan ni Christopher Hedreyda, PIA-Laguna





Leave a comment

Trending