Nag-isyu ang Department of Environment and Natural Resources sa CALABARZON ng show cause orders sa mga may-ari ng mahigit 200 na istraktura sa kahabaan ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway, na bahagi ng mga protected area sa rehiyon.

Ang mga istraktura ay itinayo sa itinalagang road right-of-way ng Department of Public Works and Highways sa kahabaan ng Marilaque Highway na tumutuloy sa loob ng Kaliwa River Forest Reserve, sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape, at mga lugar na nasasakop ng Presidential Proclamation 1636 sa ibang bahagi ng Laguna at Quezon.

Ayon kay DENR-CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, ang mga lugar na ito ay protektado ng Republic Act (RA) 7586 o National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act, pati na rin RA 11038 o Expanded or E-NIPAS Act of 2018.

Ani Tamoria, “Kapuna-puna po ang mga istruktura sa loob ng mga Pinangangalagaang Pook at isa po sa mandato ng DENR, sa pamamagitan rig Protected Area Management Board (PAMB), ay i-enforce ang E-NIPAS. Malaki po ang implikasyon ng mga istrukturang ito sa biodiversity…hindi na po kaila ang epekto ng climate change, kaya po sinimulan po namin sa araw na ito at itutuloy tuloy ang pagse-serve ng show cause order.”

Dagdag pa ni Tamoria: “Eventually, ang layunin natin sa protected areas ay mapanatili ang paglago ng ating kagubatan at ng biodiversity…Ang atin pong ginagawa ay bahagi lamang po ng implementasyon ng pagpapatupad ng ating batas, kung may legal na karapatan pong manatili, ay irerespeto po natin iyon. Kaya nanawagan po kami sa ating mga kababayan na sumunod lamang po sa batas nang sa gayon ay wala po tayo maging problema.”

Ayon sa Section (n) at (o) of RA 7586, as amended, kailangang makakuha ng pahintulot mula sa PAMB at DENR bago ma-okupa o makapagtayo ng ano man istraktura sa loob ng protected areas.

Ang show cause order ay isang paraan upang mabatid kung ang isang okupante ay may legal na karapatang okupahan ang lugar.

“Ito po ay proseso para mabigyan natin ng pagkakataon ang mga kababayan nating naninirahan o nag-o-operate ng establishment sa loob ng protected areas na makapagpaliwanag kung bakit sila naroon,” paliwanag ni Tamoria.

Noong Oktubre 27, nagsagawa ng pagpupulong ang DENR-CALABARZON kasama ang mga katuwang na ahensya kabilang ang regional offices ng ibang national government agencies at local government units (LGUs) para maghanda para sa sabay-sabay na pagbibigay ng show cause orders sa mga istraktura sa loob ng protected areas at timberland sa Region 4A.

Bago inihain ang show cause orders, nakipagpulong ang mga kinauukulang community at provincial environment and natural resources officers sa LGUs, barangays at counterparts mula sa partner agencies upang ipaalam at liwanagin ang detalye ng aktibidad.

Susuriin ng DENR-CALABARZON ang mga sinulat na paliwanag at kalakip na dokumentong ibinigay ng mga may-ari ng istraktura na binigyan ng show cause orders.

Sakaling may illegal occupancy o installation of structure, ihahain sa may-ari ang notice to vacate and/or cease and desist order. Ang may-ari ng istraktura ay maaaring mamultahan o sampahan ng kaso.

Batay sa Section 24 ng DENR Administrative Order 2019-05, magsasagawa ang Protected Area Management Office ng imbentaryo ng lahat ng pasilidad sa loob ng protected area.

Sa tulong ng DENR, ang PAMB ay maaaring magpatupad ng kundisyon para sa patuloy na operasyon ng pasilidad na maaaring magdulot ng pinsala sa protected area hanggang ito ay mailipat. Kung malabag ang mga kundisyong itinakda, mananagot ang mga may-ari ng pasilidad. ###





Leave a comment

Trending