Kumilos na si Senador Imee Marcos para maparami ang supply ng mga sibuyas na maibebenta sa halagang P170 lang kada kilo sa mga Kadiwa outlet at rolling store bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Binigyang diin ni Marcos na walang saysay ang plano ng Department of Agriculture na itaas ang suggested retail price (SRP) ng sibuyas para makontrol ang mga runaway na presyo na umabot sa Php720 kada kilo noong Miyerkoles.

Sinabi ng senador na dapat ilabas ng DA ang isang nakatenggang pondo para mapabilis ang pag-aani at direktang pagbili ng lokal na sibuyas at paghahatid nito sa Metro Manila.

“Pagalawin na ang Php140-million fund mula sa 2021 budget, na ni-realign o inilipat para sa Food Mobilization Program ng DA ngayong taon,” giit ng senador.

“Ang pagtataas ng SRP para sa sibuyas mula Php170 hanggang Php250 kada kilo ay aani lang ng pangungutya, dahil mahigit pa sa apat na beses ang itinaas ng presyo sa palengke kumpara sa umiiral na SRP,” dagdag pa ni Marcos.

Matatandaan na noong Miyerkoles, pinasimulan ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Cooperatives, ang direktang pagbili ng hanggang 300,000 kilo ng sibuyas mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka ng Nueva Ecija na kanyang inisponsoran sa pamamagitan ng programang Kadiwa ng DA.

Sa parehong araw, nakipag-ugnayan din sya sa mga mayor ng Metro Manila para madagdagan ang mga Kadiwa outlet sa mga palengke at para maikasa na ang mga ruta para sa mga rolling store.

“Simula kaninang umaga, kinumpirma ng mga mayor ng Las Pinas, Mandaluyong, Quezon City, Maynila, Makati at Valenzuela ang kanilang suporta. Kumpyansa ako na mas maraming sibuyas ang maaaring mabenta na pang-Kadiwa ang presyo, Disyembre 31 hanggang sa January 2, 2023,” ani Marcos.

Magpapatuloy ang anihan ng sibuyas hanggang Pebrero sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Batanes, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Tarlac at Oriental Mindoro.

“Kailangang plantsahin na ang diskarte sa pagbili at paghahatid ng mga sibuyas. Kinakailangang mailatag na din ang mas episyenteng sistema ng pagmo-monitor sa mga ani, dahil kung hindi, palagi na lang tayong biktima ng mga hoarders at mga smuggler na kasabwat ng mga tiwaling opisyal ng DA,” diin ni Marcos.







Leave a comment

Trending