Maganda naman ang pakay nung Maharlika Fund na ilikom lahat ng pera ng pamahalaan para maayos ang pag-manage. May solusyon sana ako:

1. Dapat kahit sovereign fund ang tawag, sa PILIPINAS LANG lahat ang investment! Wag naman “domestic and FOREIGN corporate bonds” ( Section 11c) Kung wala tayong kumpyansa sa sarili, sino pa ang bibilib at mamumuhunan sa Pilipinas?

2. Kilalanin ang iba’t-ibang TENURE AT PROGRAMA ng mga pondo:
– Kung Landbank, ang priority dapat pagsasaka at land reform;
– Kung DBP, infra, equipment, at capital outlay;
– Kung Pagcor at PCSO, pwede ba sa ospital at gamot na?

Dapat klarong programa ang mapupuntahan ng bawat halaga.

3. At sa akin, HUWAG nang isama, please, ang SSS at GSIS. Ibang usapan ang retirement funds; dapat zero risk yan. Nauubos na nga sa inflation at taas ng presyo, kung saan pa ilalagay? Wag naman mauwi sa AFPSLAI, AMSLAI, at kung anu-ano pang “slai” kung saan winaldas ang pera ng kawawang mga sundalo, noh! Hindi dapat maging state-run venture cap ito!

4. Teka, paano nadamay ang mga call center, mga BPO, at OFW remittances ng 10%, eh hindi naman pera ng BSP yan? Pera ng mga call center workers at OFW natin yan. Huwag nang bawasan ng kahit isang kusing ang pinaghirapan nila, hellow!

5. Ngayon, nasa ilalim na ng DOF itong mga bangko ng gubyerno, pati government owned and controlled corporations (GOCC). Sino kaya ang magpapatakbo nitong pondo maliban sa DOF, andyan din ba ang BSP, Monetary Board, private business sector? May kinatawan ba ng taong bayan diyan? At dapat i-publicize lahat, transparent to the max!

6. Kapag mabulilyaso, sino ang sasagot? Paano ba ang proseso ng pagsita at accountability? May parusa ba, ano? Sa totoo lang, parang wala, at puro exemption ang nabasa ko sa Article VII ng bill:
– Section 24, exemption sa GOCC governance;
– Section 25, tax exemption;
– Section 26, exemption sa Procurement Law and Philippine Competition Law;
– Section 27, exemption sa Civil Service Law pati Salary Standardization Law.

Afraid! Wala nang mananagot sa anumang batas?

7. Sinong magsusuma ng kwenta? Saan mapupunta ang kikitain? Dapat walang magic sa kwenta!

Kung tutuusin may GUIDE bill tayo noong pandemya, Php10 billion nga lang ang nailaan. Baka pwede siyang palawakin at gawing modelo para sa mas malawakang pondo at investment.

Bakit di rin tayo mag-issue ng bonds and other financial papers – kung may green bonds, samurai ek-ek bonds, bakit hindi maglabas ng Kalinga sa Bayan bonds para sa ating mahihirap, may sakit, at sa lahat ng kapwa Pilipinong nangangailangan ng tulong?





Leave a comment

Trending